LIPA CITY, Batangas – Patay ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ang sinasakyan nitong kotse sa Lipa City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Provincial Director, Senior Supt. Edwin Quilates, ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), kinilala ang biktima na si Napoleon Laguerta Sambayan.
Si Sambayan ay kasalukuyang kapitan sa Barangay Anilao proper sa nasabing lungsod.
Pauwi na ang biktima, sakay sa kotse (AWA 9910), nang pagbabarilin sa P. Torres Street, Bgy. Antipolo Del Norte, dakong 7:20 ng gabi.
Isinugod pa sa ospital ang biktima, ngunit binawian ng buhay habang ginagamot.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga susek na tumakas, sakay sa isang kotse, patungo sa direksiyon ng Padre Garcia.
-LYKA MANALO