Sugatan ang isang babaeng atleta mula sa Koronadal City matapos siyang matuklaw ng ahas sa loob ng kanilang tinutuluyang billeting area sa President Quirino National High School noong madaling araw ng Lunes, Abril 6, 2026.
Naganap ang insidente ilang oras bago ang pormal na pagbubukas ng SOCCSKSARGEN Regional Athletic Association (SRAA) Meet 2026 sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Batay sa paunang ulat mula sa mga guro, naghahanda umano ang mga atleta para sa kanilang ensayo nang dukutin ng biktima ang kaniyang gamit sa bag.
Sa nasabing sandali, bigla na lamang umano siyang tinuklaw ng ahas sa kamay.
Agad na rumesponde ang mga opisyal at isinugod ang atleta sa isang pribadong ospital sa Koronadal City gamit ang nakahandang ambulansya, kung saan siya nabigyan ng agarang lunas.
Sa pinakahuling ulat, nasa maayos nang kalagayan ang atleta ngunit patuloy pa ring mino-monitor ng mga doktor upang matiyak ang kaniyang tuluyang paggaling.
Siya ay kalahok sa taekwondo secondary girls category ng nasabing palaro.
Samantala, nakatakda namang sagutin ng lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat ang lahat ng mga gastusin ng biktima para sakaniyang tuloy-tuloy na gamutan.
Ang SRAA Meet ay taunang kompetisyon na nilalahukan ng iba’t ibang delegasyon mula sa rehiyon kabilang ang South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, Cotabato, at mga lungsod ng Koronadal, Kidapawan, Tacurong at General Santos.
Matatandaang sa hiwalay na insidente, isang anim na taong gulang na batang babae naman ang nasawi matapos pa ring matuklaw ng pinaghihinalaang cobra sa Zamboanga del Sur.
Ayon sa mga ulat, kasama ng biktima ang kaniyang ina na noo’y naglalaba lamang. Nakakita umano ng “holen” ang biktima malapit sa isang butas, kung kaya’t sinubukan niya itong kuhanin.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang butas sa lupa na nilapitan ng biktima ay ang posible umanong lungga ng cobra. Paglapit ng bata ay doon na raw ito natuklaw ng nasabing ahas.
KAUGNAY NA BALITA: 6-anyos na paslit, patay sa tuklaw ng cobra!