Patay ang isang anim na taong gulang na batang babae matapos matuklaw ng isang pinaghihinalaang cobra sa Zamboanga del Sur.
Ayon sa mga ulat, kasama ng biktima ang kaniyang ina na noo’y naglalaba lamang. Nakakita umano ng “holen” ang biktima malapit sa isang butas, kung kaya’t sinubukan niya itong kuhanin.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang butas sa lupa na nilapitan ng biktima ay ang posible umanong lungga ng cobra. Paglapit ng bata ay doon na raw ito natuklaw ng nasabing ahas.
Agad siyang dinala sa ospital upang malapatan ng paunang lunas at masaksakan ng anti-venom.
Subalit, bunsod pa rin ng kinakailangang anti-venom, muling inilipat sa ibang ospital ang biktima upang muli siyang masaksakan ng gamot.
Sa kabila ng anti-venom na naisaksak sa biktima, patuloy pa rin siyang nanghina at nahirapang huminga bunsod ng mabilis na naging pagkalat ng venom sa kaniyang katawan.
Sumailalim din sa operasyon ang kamay ng biktima kung saan siya natuklaw, bunsod ng labis na pamamaga nito.
Matapos ang ilang araw, tuluyang binawian ng buhay ang biktima dahil sa iba't ibang komplikasyon at pagbigay ng ilan niyang organs katulad ng kidney.
Patuloy namang nanawagan ang mga awtoridad sa patuloy na pag-iingat ng mga residente, lalo na sa mga nakatira sa liblib at masusukal na parte ng naturang lugar.