Kulong ang tatlong holdaper matapos na biktimahin ang mga pasahero ng isang jeep sa Ermita, Maynila, kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina Angelo Camelon, 18, ng Masambong, Quezon City; Leomer Balacuit, 18, miyembro ng Sigue-sigue Sputnik gang, at residente ng Sta. Cruz, Maynila; at Omar Manonggiring, 48, ng San Andres Bukid, Maynila, na pawang sasampahan ng mga kasong Robbery Hold-Up at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Revised Ordinance Section 864-C).
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Ermita Police Station (PS-5), inaresto ang mga suspek sa tapat ng Philippine General Hospital (PGH), sa Taft Avenue, sa Ermita nang holdapin ang mga pasahero ng jeep na sina Mario Sedenio, 63; Edita Sedenio, 53; at Denjie Onalan, 21, bandang 1:15 ng hapon.
Una rito, nagpanggap na mga pasahero ang mga suspek at pagsapit sa naturang lugar ay nagdeklara ng holdap.
Sa pagbaba ng mga suspek ay nagsisigaw ang mga biktima at humingi ng tulong.
Napansin ito ng mga elemento ng Pedro Gil Police Community Precinct (PCP), sa pangunguna nina Police Senior Insp. Salvador Inigo, ng PS-5; at ni PO1 James Carlo Bagnol, ng Moriones Police Station (PS-2), at inaresto ang mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang isang .38 caliber revolver na may tatlong bala, isang ice pick, gayundin ang mga gamit ng mga biktima.
-Mary Ann Santiago