May 28, 2026

Home BALITA National

'Di dapat kinukunsinti!' Sen. Kiko, binuweltang 'lawbreaker' si Sen. Bato

'Di dapat kinukunsinti!' Sen. Kiko, binuweltang 'lawbreaker' si Sen. Bato
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Nilinaw sa publiko ni Sen. Kiko Pangilinan ang dahilan sa naging apela niyang payagan ng Senado ang nakapiit pa lang noon na si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na makadalo sa sesyon ng mataas na kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng teleconference o paggamit ng electronic platform.

Matatandaang Pebrero 2017 nang makulong si De Lima sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at makalabas noong Nobyembre 13, 2023, nang payagan siyang makapagpiyansa ng Muntinlupa Regional Trial Court, at tuluyang mapawalang-sala noong Hunyo 24, 2024. 

Pebrero 2021, naghain naman sina Pangilinan, Sen. Risa Hontiveros at iba pa ng resolusyon sa Senado na umaapelang payagang makadalo ng sesyon si De Lima habang nasa loob ng kulungan ang huli, ngunit hindi ito naaprubahan ng mataas na kapulungan. 

Mayo 11, 2026, umapela naman si Sen. Rodante Marcoleta ng mosyon sa Senado na payagang makaboto at makadalo sa sesyon ang iba pang mga senador sa pamamagitan ng teleconference o iba pang electronic platform.

Pagkatapos ito ng naging muling pagpapakita ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa publiko at makatakas naman sa pagtugis ng mga awtoridad noong madaling-araw ng Mayo 14 sa kabila ng opisyal na inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya. 

National

'Despite the persecutions!' Sen. Bato, nagparamdam sa Eid'l Adha

Sa naging pahayag naman ni Pangilinan sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Mayo 27, makikitang ibinahagi niya ang isang ulat na umaapela siya noong Mayo 2020 na makadalo si De Lima sa sesyon ng Senado sa pamamagitan ng paggamit ng electronic platforms. 

Depensa ni Pangilinan, simple lang daw noon dahil panahon pa ng pandemya at nakulong lang si De Lima dahil sa pagsuko ng huli sa mga awtoridad kaya raw maituturing na “law abiding” pa rin ito. 

“Simple lang ito,” pagsisimula niya, “[‘Yong] kay Leila panahon ng Covid at siya ay nakakulong dahil nag surrender siya sa mga autoridad at nirespeto ang arresting officers. Law abiding.” 

Buwelta ni Pangilinan, maituturing daw na iba ang kaso ni Dela Rosa dahil wala na raw pandemya ngayon at tinakasan ng huli ang mga awtoridad kaya raw masasabing “law breaker” ang naturang senador.

“Si Bato. Walang Covid ngayon, nagtatago at tinakasan ang mga autoridad. [Lawbreaker].

Hindi dapat [kinukunsinti] ang law breaker,” diin niya. 

Dagdag pa niya, “Huwag magpaloko sa mga nagkukumpara ng langka sa durian.” 

Ani Pangilinan, tigilan na raw paninira at pagpapakalat ng kasinungalingan sa pamamagitan ng paggamit ng mga umano’y kurakot na politiko sa mga bayarang trolls.

“Tigilan na ninyo ang mga paninira at mga kasinungalingan ninyong mga trolls na mga bayaran ng mga kurakot na pulitikong nasa likod ninyo,” patutsada niya.

“Hindi nyo na kaya lokohin ang taumbayan,” pagtatapos pa ni Pangilinan. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit kailangang madaliin?' Senate minority bloc, nagpaliwanag bakit nag-walk out!