IPINAGDIRIWANG ngayong Nobyembre ang National Reading Month, at partikular na hinihimok ang kabataan na maglaan ng oras sa pagbabasa, lalo na ng libro.

r20 copy

Para sa National Reading Month, at sa pagdiriwang ng Araw ng Pagbasa sa Nobyembre 27, nakikiisa ang BALITA sa “Read for 20” campaign ng aming mother paper, ang Manila Bulletin. Layunin ng kampanya na hikayatin ang mga bata na maglaan ng kahit 20 minuto araw-araw sa pagbabasa ng aklat.

Sa panahon ngayon na marami na ang nakadepende sa Internet at social media, nawawalan na ng panahon ang iba na magbasa ng libro, o dyaryo o magazine man lang. Ang kampanyang “Read for 20” ng Manila Bulletin “supports the National Reading Month and the habit of reading”, sa ano pa mang paraan—pisikal na libro man o ebook—upang mas maitaguyod ang pagbabasa at literatura sa mga mag-aaral.

Trending

Netizens naka-relate, napahugot sa 'Hindi na marami ang tubig ng instant noodles'

Sa online survey na inilunsad ng BALITA sa aming Facebook page ngayong linggo, sinubukan naming alamin kung ano ang huling librong binasa, o binabasa ng aming followers at tungkol saan ang libro. Nakakatuwang makumpirma na marami pa rin pala ang naglalaan ng oras sa pagbabasa ng libro hanggang ngayon.

Kabilang sa mga binabasa ng BALITA followers—na magsisilbing most recommended list para sa mga kakasa sa “Read for 20” challenge—ay ang Harry Potter and the Philosopher’s Stone ni J.K. Rowling (na binabasa ng estudyanteng si Merry Ann Luz Galvez dahil nami-miss na niya ang “wizardly adventures ng ‘The Boy Who Lived’), ang mga klasikong The Little Prince ni Antoine de Saint-Exupéry at The Adventures of Huckleberry Finn ni Mark Twain.

Pasok din sa listahan ang Stop That Girl ni Elizabeth McKenzie, David and Goliath ni Malcolm Gladwell, A Life That Matters ni Kimberley Woodhouse, Without Fail ni Lee Child, Gone for Good ni Harlan Coben, Silent Girl ni Tess Gerritsen, at marami pang iba.

Karamihan ay nagbanggit ng mga libro mula sa ibang bansa, at hindi naman ito masama. Kahit anong lengguwahe pa ‘yan, basta may natututuhan sa binasa ay ayos lang.

Marami rin ang regular na nagbabasa ng Bibliya, gaya ni Christian Tamayo Jumarang, habang ipinagmamalaki naman ni Anton Marzol na binabasa niya ang Bibliya kada 10 minuto.

Binabasa rin, siyempre, ang obra ng mga Pinoy authors, tulad ng Detective Boys of Masangkay: Ang Closed-Door Mystery ni Bernalyn Sastrillo, Ang Nawawala ni Chuckberry Pascual, Bahay ni Marta ni Ricky Lee, GOYO: Story Behind the Film ng TBA Studios, Sonata ni Lualhati Bautista, at Stupidity is Forevermore ng yumaong senador na si Miriam Defensor-Santiago.

Mula sa BALITA, inirerekomenda naming basahin ng mga bata ang pawang Filipino books na Sandosenang Sapatos ni Luis Gatmaitan, The Magic Bahag ni Cheeno Marlo Sayuno, The White Shoes ni Grace Chong, May Higante sa Aming Bahay ni Rhandee Garlitos, A Lolong Time Ago ng grupo ni Michelline Suarez, Lost ni Rob Cham, at ang mababasa nang libre na Si Kian ni Weng Cahiles

-ANGELLI CATAN