Binalaan muli ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipinong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa operasyon ng mga sindikato ng human trafficking na nakabase sa Dubai, UAE.

Ayon sa DFA, ilang Pinoy na ang ilegal na idineploy sa Iraq.

Ang babala ng kagawaran ay kasunod ng ulat ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad kaugnay ng pagkakasagip sa dalawa pang Pinay mula sa probinsiya ng Basra, sa tulong ng isang local anti-human trafficking group.

Sinabi ng embahada na ang nasabing sindikato ay nag-aalok ng maagang bayad sa biyahe patungong Dubai, kung saan daw naghihintay ang magandang trabaho na may mataas na suweldo.

National

'Huwag kayo tumulad kay Bato at Baste!'—AI student

Papasok ang mga biktima sa Dubai gamit ang tourist visa at pagtatrabahuhin nang walang sahod bilang bahagi umano ng “training”, at kapag nag-expire na ang visa ay pagtatrabahuhin ang mga biktima sa Iraq kung ayaw bayaran ang $3,000 na ginastos ng sindikato sa kanilang deployment.

Sapilitang dinadala ang mga biktima sa Erbil sa Kurdistan Region sa Iraq, at doon ay ilegal na ipinupuslit patungong Baghdad o Basra.

Ipinaalala naman ng Embahada sa mga Pilipino na umiiral pa rin ang deployment ban sa Iraq, bukod pa sa ang ilegal na pagpasok sa Iraq ay may parusang pagkakulong.

-Bella Gamotea