Pormal nang itinalaga ni Pangulong Duterte si Senator Gregorio “Gringo” Honasan bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communicatons Technology (DICT).
Inilabas na kahapon ng Malacañang ang nomination paper ni Honasan para sa nasabing posisyon, matapos na lagdaan ng Pangulo ang nasabing nominasyon nitong Nobyembre 20.
Gayunman, kailangan munang aprubahan ng Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga kay Honasan, dahil nasa end session pa ngayon ang Kongreso.
Makauupo lang si Honasan sa DICT kapag nakumpirma na siya ng komisyon.
Papalitan ni Honasan si acting DICT Secretary Eliseo Rio, na natiyempo naman sa pagkakahirang sa ikatlong telecommunications player sa bansa, ang Mislatel.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto si Honasan na bigyan ng puwesto sa kagawaran si Rio.
Ayon kay Recto, maganda ang magiging tambalan nina Honasan at Rio kung magiging senior undersecretary ng senador si Rio, dahil na rin sa taglay nitong kakayahan sa larangan ng makabagong teknolohiya.
“My unsolicited advice is for Senator Honasan to retain acting Secretary Eliseo Rio as his Senior Undersecretary, and for the latter to continue serving the public in that capacity. For one to step up,
there is no need for the other to step out. The nation will benefit from the combined skills of this good tandem. Two workhorses are better than one,” ani Recto.
-Beth Camia at Leonel M. Abasola