DUMAGUETE CITY – Giniba nina Charo Soriano at Bea Tan ang karibal na sina Jennymar Senares at Jennifer Cosas ng Bacolod, 21-16, 22-20, kahapon para makausad sa semifinals ng Beach Volleyball Republic On Tour sa Rizal Boulevard sand court dito.
Nakopo ng Perlas' duo ang ikatlong sunod na panalo sa Group B matapos mabigo sa opening day kontra Babylove Barbon at Genesa Eslapor.
Bunsod ng panalo,nakisosyo ang Perlas sa University of Santo Tomas, at Bacolod na may 3-1 karta, ngunit nalaglag sina Senares at Cosas, bunsod ng mababang quotient.
Nakuha nina Barbon at Eslapor ang top ranking, habang sina Soriano at Tan ang No.2 sa ninth leg ng pamosong Tour.
Nakumpleto naman nina Samaa Miyagawa ng Japan at Tin Lai ng Hong Kong ang four-match sweep sa Group B matapos magwagi kina Erjane Magdato at Alexa Polidario ng UNO-R, 21-15, 21-18.
Ginapi naman ng PAF ang UST, 21-17, 16-21, 16-14, sa men's match para manguna sa Group A. Nagtabla ang karta nila sa 3-1, ngunit mas mataas ang quotient nina Jessie Lopez at Ranran Abdilla.
Nanguna naman sina Mitabashi Masato at Takashi Tsuchiya ng Japan sa Group B tangana ng 4-0 karta nang magwagi kina KR Guzman at Krung Arbasto ng Tiger Wings, 21-17, 21-18.