HABANG tinitipa namin ang balitang ito ay dumaan sa Facebook timeline namin ang post ng Kapuso actress na si Shyr Valdez, kung saan tampok ang litrato ng pamilya ng aktor na si Tirso Cruz III at nakikiramay siya sa pagkamatay ng panganay na anak nitong si TJ Cruz.

Lynn, Djanin, Tirso, Bodie at TJ

Lynn, Janine, Tirso, Bodie at TJ

Tinanong namin kay Shyr kung ano ang ikinamatay ni TJ.

“Hi, Reg. Cancer daw pero di ko pa alam anong klase. Nakakabigla diba. 6 months na daw nasa hospital and nang malaman ni Ate Lyn and Kuya Pip, full blown na.”

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Base naman sa report ng GMA 7 news, pumanaw na ang panganay nina Tirso at Lyn ngayong Miyerkules ng madaling araw dahil sa lymphatic cancer.

Sinilip namin ang IG post ni Lolit Solis na malapit sa pamilya Cruz.

“Na-sad naman ako sa news sa anak nila Tirso Cruz III at Lyn na si TJ, Salve. Sabi ni Dolor, lymphatic cancer daw at kanina lang daw madaling araw bumigay ang panganay nila,” post ni Lolit.

“Nakaka-sad talaga na iyon anak mo mauna sa iyo na kunin ni God. Ang bait-bait pa naman ng mga anak nila Tirso, sina Bodjie at Janine. Si TJ hindi pumasok ng showbiz. At in fairness ha, ‘pag naghahanap kami ng tulong sa ospital siya ang nilalapitan namin.

“Tulad nila Tirso at Lyn ang mga anak nila, very friendly at magalang. Sana ma-overcome nila ang sadness na ito. We pray that God will welcome TJ, sana forever his memories, his happy ones will always be remembered. We pray for you TJ. We pray for Tirso and Lyn, for the Cruz family, we honor your sadness, we will always be praying for you. #lolitkulit#instatalk #71naako,” ang mahabang post ni Lolit.

As of this writing ay wala pang inilalabas na detalye kung saan ibuburol si TJ.

Mula sa BALITA ay nakikiramay po kami sa pamilya Cruz.

-Ni REGGEE BONOAN