Nagsimula na kahapon ang limang araw na truck holiday na ikinasa ng ilang truckers at customs broker sa Maynila.
Tinatayang umaabot sa may 100 truck ang nakiisa sa truck holiday, na ikinasa ng Alliance of Philippine Brokers and Truckers Association (APBTA).
Tumatanggi ang mga ito na imaneho ang kanilang mga truck mula sa Port of Manila upang ipakita ang kanilang pagtutol sa plano ng Land Transportation Office (LTO) na i-phaseout ang mga lumang truck, at bilang pagkondena sa pagkabigo ng pamahalaan na matugunan ang port congestion, na nagdudulot anila ng pagkaantala sa paglalabas ng mga kargamento na galing sa ibang bansa.
Nagsagawa rin naman ng caravan ang mga naturang truck, na umikot sa Road 10 sa Tondo, Maynila patungo sa Manila Hotel.
May mga truck naman na hindi na inilabas sa kanilang mga garahe, habang ilang customs broker na nakiisa rin sa truck holiday ang hindi nagsagawa ng transaksiyon.
Ayon kay Teddy Gervacio, isa sa mga lider ng APBTA, nais nilang makipagdayalogo sa pamahalaan upang maipaabot ang kanilang mga hinaing.
Sinabi ni Gervacio na aabot sa 200,000 truck ang mawawala sa kalye kung itutuloy ng pamahalaan ang planong phaseout sa mga lumang truck, bukod pa sa libu-libong truck driver at pahinante nila ang mawawalan ng hanapbuhay.
Ang pinakaapektado, aniya,k sa phaseout ay ang maliliit na truckers, at tanging ang malalaking international company lang ang makikinabang dito.
Nanindigan rin ang grupo na ipagpapatuloy nila ang kanilang truck holiday sa mga susunod na araw kung magpapasya ang pamahalaan na ituloy ang phaseout, at mabibigong tugunan ang port congestion, na sinisisi nila bilang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
-Mary Ann Santiago