MATAPOS ang umaatikabong bakbakan sa hardcourt ng NCAA Season 94 Juniors Basketball tournament, buong pusong ninamnam ni Mapua Red Robins coach Randy Alcantara ang natamong kampeonato.
Ang titulo ang pabaon sa kanya ng Red Robins bago gampanan ang bagong responsibilidad bilang coach ng seniors team sa susunod na season.
“Last year ko na ‘to sa Juniors. Thank you at nag champion, bago ako mag-start sa seniors," ani Alcantara matapos ang naitalang 77-74 na panalo ng Mapua kontra La Salle Greenhills nitong Huwebes sa winner-take all Game 3.
Pormal ng itinaas bilang seniors coach para sa Season 95 ang dating Cardinal matapos magsilbi ng ilang taon bilang assistant ng dating coach na si Atoy Co.
Gayunman, wala pa umano siyang pormal na napagkasunduan sa pamunuan ng Mapua.
Samantala, umaasa si Alcantara na may maganda siyang maiiwan sa juniors team.
“Malaking tulong to. Unang-una, dati yung Mapua di naman to pinupuntahan ng mga players eh. YNung nag-start ng mag Final Four na, nag-Finals na, nag-Champion na, pinupuntahan na ng players,” sambit ni Alcantara.
“Thank you sa lahat ng suporta. Siyempre, sa mga players sama sama namin nakuha yung championship," aniya.
Bunsod ng panalo, nakisosyo ang Mapua sa San Beda bilang ‘winningest high school team’ sa kasaysayan ng liga.
Nanguna si Paolo Hernandez sa Mapua sa natipang career-high 33 puntos.
Iskor:
Mapua 77 -- Hernandez 33, Arches 22, Sarias 5, Smith 5. Quimado 4, Policarpio 4, Mariano 2, Dennison 2, Lazarte 0, Diaz 0.
CSB-LSGH 74 -- Fornilos 18, David 13, Cagulangan 10, Palencia 8, Natividad 7, Calimag 6, Sangco 4, Lao 3, Mosqueda 3, Valenzuela 2, Lepalam 0.
Quarterscores: 18-15; 42-34 71-56; 77-74