INILUNSAD sa Camarines Norte ang isang programa, sa pamumuno nina Governor Edgardo Tallado, Vice Governor Jonah Pimentel at Provincial Administrator Alvin Tallado, upang mapuksa ang ilegal na droga.

Tinawag na “DOTA Kontra Droga,” bukas ang aktibidad sa lahat ng mga gaming enthusiasts sa bansa na maaaring lumahok sa 5v5 at 1v1 Dota 2 Tournament sa Agro Sports Center sa bayang ito, sa Disyembre 14-16.

Sa P100,000 premyong inilaan, makatatanggap ang kampeon ng P40,000 at tropeo; first runner-up, P25,000; second runner-up, P15,000, at third runner-up, P10,000.

“We urge the youth to consider e-sports and gaming as a way to keep away from illegal drugs,” pahayag ni Gino Villafranca, Sports Coordinator and Provincial Youth Affairs Officer.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Isa ang Defense of the Ancients 2 o Dota 2 sa pinakapopular na multiplayer online battle arena video games sa kabataang Pilipino sa kasalukuyan.

Nasa 50 koponan ang inaasahang makikilahok mula sa iba’t ibang rehiyon, ayon kay Villafrancia.

Nahahati ang tournament sa dalawang kategorya ang Local at Open.

Bukas ang Local category sa lahat ng kalahok na residente at ipinanganak sa Camarines Norte, na papatunayan sa kanilang birth certificate o Voter’s ID. Habang ang Open Category, ay puwede sa lahat ng kalahok, ngunit limitado lamang sa mga non-professional Dota 2 players.

Ang mga nakalista sa Gamepedia Dota 2 Wiki Professional Players o mga nagkapaglaro na sa mga major tournaments tulad ng The International, Manila Master, at mga katulad nito ay ikinokonsiderang professional player.

Inorganisa ang “DOTA Kontra Droga” ng Provincial Sports Office at Provincial Youth Development Office, sa pakikipagtulungan ng Metadaet Meta Wargods Pro Gaming Arena Daet, Zen Xtreme Gaming Cafe, Noxus Gaming Lounge Cyber Arena, Gaming RAW DOGS at AT Productions.

PNA