MATATANGGAP ng Para Games at Youth Olympic Games medalists ang cash incentives sa payak na seremonya sa Malacañang ngayong araw.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-aabot ng insentibo sa mga atleta, sa pangunguna nina Para Games swimming champion Ernie Gawilan at YOG silver medalist skateboarder Christian Tio.
Ipagkakaloob ng Pangulong Duterte ang nasabing insentibo sa bisa ng Republic Act (RA) 10699 sa ilalim ng Sections 3 at “Magna Carta for Disabled Persons” na nagsasaad ng pagkakaloob ng karampatang insentibo sa mga atleta na may kakulangan sa pangangatawan na nagwagi ng medalya sa international competitions, gaya ng Paralympics o Asian Paragames, at sa Youth Olympic Games.
“The instructions of the President is inclusivity in sports. This is one good proof that we have started the journey along that road,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
“They deserve to be treated as the elite athletes as they are,” ayon kay Ramirez.
Tatanggap ng kabuuang P4 milyon si Gawilan katumbas ng tatlong gintong medalya at dalawang silver medal na napagwagian niya sa 2018 Asian Para Games na ginanap sa Indonesia noong nakaraang buwan, samantalang si Tio naman ay tatanggap ng kabuuang P2.5 milyon katumbas ng silver medal na kanyang naiuwi buhat sa YOG.
Bukod kina Gawilan at Tio, pararangalan din sa Palasyo ang ilang Para athletes na sina Kim Ian Chie ng bowling, Arthus Bucay ng Para cycling , ang FIDE Master na si Xander Severino ng chess, ang Table tennis paraathlete na si Josephine Medina, at iba pang mga paraathletes na nag-uwi ng medalya.
Bahagyang iniurong ang pagbibigay ng nasabing insentibo, na orihinal na naitakda nitong Nobyembre 6, 2018 dahil sa mahigpit na schedule ni Pangulong Duterte.
-Annie Abad