LOS ANGELES (AP) — Nabitiwan ng Los Angeles Clippers ang tangan sa 14 puntos na bentahe sa final period, ngunit sapat ang kanilang lakas sa overtime para mapasuko ang Golden State Warriors, 121-116, nitong Lunes (Martes sa Manila).

Ito ang unang panalo ng Clippers sa kanilang tahanan laban sa defending champion sa nakalipas na apat na taon.

Hataw si Kevin Durant sa Warriors sa naiskor na 33 puntos, 11 rebounds at 10 assists, habang kumana si Klay Thompson ng 31 puntos para sa ikatlong kabiguan ng Golden States sa 14 laro.

MAVS 103, BULLS 98

After 28 years: Thomasian student, naka-gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championship

Sa Chicago, hataw si Harrison Barnes sa naiskor na season-high 23 puntos sa panalo ng Dallas Mavericks kontra Bulls.

Nag-ambag si top rookie Luka Doncic ng 11 puntos, habang tumipa si JJ Barea ng 14 punto, limang rebounds at limang assists para sa ikatlong panalo sa huling apat na laro ng Mavs.

Nanguna si Zach LaVine sa Chicago na may 26 puntos, habang umubra si Jabari Parker sa 16 puntos.

THUNDER 118,

SUNS 101

Sa Oklahoma City, napantayan ni Paul George ang season high 32 puntos, tampok ang 6-of-10 sa three-point range, at nagsalansan si Dennis Schroder ng 20 puntos at siyam na assists sa panalo ng Thunder sa Phoenix Suns.

Nakopo ng Thunder ang ikawalong panalo sa huling siyam na laro matapos ang 0-4 panimula, habang bagsak ang Suns sa ika-11 kabiguan sa huling 12 laro.

Nanguna sa Suns si T.J. Warren na may 21 puntos, habang humirit si Devin Booker ng 19 puntos at anim na assists.

SIXERS 124, HEAT 114

Sa Miami, hinila ng Philadelphia 76ers ang pagsadsad ng Heat sa kabila nang hindi pa paglalaro ng bagong player nilang si Jimmy Butler.

Nakuha ng Sixers ang four-time All-Star mula sa trade sa Minnessota Timberwolves. Pormal na ipakikilala sa koponan si Butler sa Camden, New Jersey sa Martes bago sumama para sa debut game sa Philly sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) kontra Orlando Magic.

Humakot si JJ Redick ng 25 puntos, habang kumubra si Furkan Korkmaz ng 16 puntos at umiskor sina Ben Simmons at Mike Muscala ng tig-13 puntos para sa Philadelphia.

Ratsada si Goran Dragic sa naiskor na 22 puntos para sa Miami, habang kumikig si Josh Richardson ng 14 puntos para sa tatlong sunod na kabiguan ng Heat sa sariling bahay.