DALAWAMPUNG Ilonggo ang hinirang nitong Biyernes bilang kampeon ng “Istorya ng Pag-asa”, isang inisyatibo ng Office of the Vice President upang ibahagi ang mga katangi-tanging kuwento ng mga ordinaryong tao para maging inspirasyon at halimbawa ng mga Pilipino.
Mismong si Vice President Leni Robredo ang naggawad ng mga sertipikasyon sa isang seremonya ng pagkilala sa Festive Walk Mall ng Iloilo City. Katuwang niya sina Governor Arthur Defensor Sr. at Lambunao Mayor Jason Gonzales.
Pinangunahan din ni Robredo ang pagbubukas ng Istorya Ng Pag-asa photo gallery, na nagtatampok sa matatagumpay na kuwento at mga larawan nina Nenita Adeva, Felicitas Aliban, Melvin Ian Baguhin, Krystelle Darroca, Rodolfo Divinagracia, Honorato Espinosa, Cyril Fermaran, Nestor Gicaraya, Cezar Jalandoni, Zharina Lugo, Ana Fe Mangilin, Edmelyn Melanday, Luthelle Jean Palencia, Hyacinth Grace Paloma, Rafael Penequito, Junel Perania, Luis Posa, Janet Yap, Cornelio Areno, at Marie Louise Katherine Magadero.
Sa kanyang talumpati, kinilala ni Robredo ang inspiring stories ng 20 Ilonggo, na maaaring paghugutan ng pag-asa ng mga makakabasa ng kanilang mga kuwento.
Kabilang sa mga kinilalang kampeon si Honorato Espinosa o “Mang Tatoy”, na huminto sa pag-aaral sa edad na 11 dahil sa pinansiyal na kakulangan, at ngayon ay may-ari ng Tatoy’s Manokan, na kilala rin sa paghahain ng pinakamasarap na lechon manok sa Iloilo.
Tinawag ni Robredo si Mang Tatoy bilang isang buhay na patunay na ang kahirapan ay hindi hadlang upang makamit ang isang pangarap.
Sinabi ng Bise Presidente na taong 2016 nang simulan niyang buuin ang konsepto ng Istorya Ng Pag-asa upang magkaroon ng direktang pakikipag-ugnayan, patungo sa positibong tugon sa pamamagitan ng pagpapakalat ng istorya ng pag-asa.
“We started with only 20 stories of champions and now we have hundreds of them,” aniya.
Idi-display ang photo gallery ng 20 Ilonggong kampeon hanggang sa susunod na linggo at magkakaroon din sa iba pang mall sa Iloilo City.
PNA