Isang concerned citizen ang nag-alok ng pabuyang pera sa sinumang makakapagturo at makaaaresto sa barangay chairman na nanakit kamakailan sa isang binatilyo sa loob mismo ng barangay hall sa Maynila.
Ayon kay Don Bagatsing, handa siyang magkaloob ng P20,000 reward sa sinumang makakadakip kay Felipe Falcon Jr., chairman ng Barangay 350, Zone 35, Sta. Cruz, na itinuturong nambugbog sa isang 16-anyos na lalaki dahil lang napagkamalan itong kagawad ng binatilyo.
Mariin ding kinondena ni Bagatsing ang ginawa ni Falcon, at sinabing hindi makatarungan at makatao ang pananakit ni Falcon sa biktimang menor de edad.
Samantala, hinikayat din ni Bagatsing ang tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño na tanggalin na bilang barangay chairman si Falcon.
Una nang sinabi ng Manila Police District (MPD) na nagpadala na ng surrender feeler si Falcon, subalit hanggang ngayon ay hindi pa sumusuko ang kapitan.
-Mary Ann Santiago