NAGPATULOY ang dominasyon ng BanKo Perlas kontra Ateneo-Motolite matapos muling kumabig sa 26-24, 25-22, 25-16, nitong Sabado sa Premier Volleyball League Open Conference sa Malolos City Sports and Convention Center.
Matapos malusutan ang matinding hamon ng Lady Eagles sa first set, ginamit ng mas beteranong Perlas Spikers ang kanilang solid serving at floor defense upang makaagwat sa huling dalawang frames.
“Alam naman ng mga players namin kung gaano ka-importante ‘yung mga games namin ngayon. Ang target talaga namin is makapanalo ng at least dalawang games sa sunod-sunod na mga laro namin,” ani Perlas Spikers coach Ariel Dela Cruz.
Nanguna sa panalo, ang ika-8 ng Bangko sa sampung laro si Ateneo alumna Dzi Gervacio na may 14 puntos kasunod sina Kathy Bersola at Amanda Villanueva na may 13 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman si opposite hitter Kat Tolentino para sa Lady Eagles na bumaba sa markang 9-3, sa itinala nitong 13 puntos.
Nauna rito, pinataob ng Tacloban Fighting Warays ang Petro Gazz Angels, 15-25, 25-23, 22-25, 25-20, 15-13.
Namuno ang opposite hitter na si Dimdim Pacres para sa Tacloban (5-6) na sinamantala ang 43 errors ng Angels para makaungos sa ipinoste nyang 17 puntos.
Nanguna para sa natalong Angels (5-4) si Jonah Sabete na may 23 puntos.
-Marivic Awitan