Muling nanawagan sa publiko si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na magtungo ang kanilang tagasuporta sa Senado dahil nakatakda na umano siyang arestuhin nitong Miyerkules, Mayo 13, 2026.
Sa Facebook live nitong Miyerkules, iginiit ni Dela Rosa na papunta na raw ang National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para arestuhin siya kapag natapos na ang sesyon nila sa Senado ngayong araw.
“Mayroon po akong natanggap na impormasyon na itong araw na ito, mayroon na pong mga operatiba ng NBI at CIDG na pupunta dito para ako ay arestuhin,” anang senador.
Saad pa niya, “Ako po’y nananawagan sa inyo na sana, tulungan n’yo ako. ‘Wag po tayo papayag na another Pilipino ay dadalhin sa The Hague. Pangalawa, ako po ay nananawagan sa inyo na sana pumunta kayo dito, tulungan n’yo kami. Mag-vigil tayo dito sa harapan ng Senado.”
Binigyang-diin din niya sa kaniyang panawagan ang mga taong may puso pa raw para sa bansa.
“Ako po’y nakikiusap pa sa inyo, kung kayo’y meron pang puso sa ating bansa, sana pumunta kayo dito,” ani Sen. Bato.
Matatandaang noong Lunes, Mayo 11 nang lumutang ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa hinggil sa kaugnayan niya sa madugong kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: 'Hinarang ako!' Sen. Bato, galit na sumulpot sa Senado
Kasunod ito nang biglaang pagsulpot ni Dela Rosa sa Senado matapos ang anim na buwan niyang pagtatago—upang makaboto sa pagpapatalsik sa sa liderato noon ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III.
MAKI-BALITA: Cayetano sa mga kapuwa senador: 'Feel free to call me out!'