Labindalawa pa rin ang mga senatorial candidate na ihahalal sa Mayo 13, 2019.

Ito ay sa kabila ng napipintong pagbibitiw ni Senator Gringo Honasan, matapos tanggapin ng senador ang alok sa kanya ni Pangulong Duterte na pamunuan ang Department of Information and Communication Technology (DICT).

Paliwanag naman ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, hindi pa rin nagbabago ang bilang ng mga ibobotong senador dahil sa susunod na taon pa matatapos ang termino ni Honasan.

“The terms of Cayetano and Honasan are expiring by 2019,” ani Macalintal.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Si Honasan ang ikalawang incumbent senator na aalis sa Senado at sasali sa Gabinete ng administrasyon. Nauna nang naging miyembro ng Gabinete si dating Senator Peter Cayetano, nang italaga siya ng pangulo bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Nilinaw naman ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez na magkakaroon lang ng special elections kapag idineklara ng Senate President na mababakante ang isang posisyon.

Sinabi naman ni Senator Panfilo Lacson na bagamat malaking kawalan ang kanyang “mistah” sa Senado, lalo pa kung quorum sa mga pagdinig ang pag-uusapan, higit namang kailangan sa DICT ang serbisyo nito.

Gayunman, sinabi ni Lacson na kakailanganin na ngayon ni Honasan na idispatsa ang “analogue” nitong cell phone.

-Leslie Ann G. Aquino at Leonel M. Abasola