MAY isang character sa My Special Tatay na kinaiinisan ng mga manonood, si Aubrey, played by singer-actress Rita Daniela. Ang sama-sama kasi ng character niya bilang isang pokpok na tinatablad kahit kanyang mga kaibigan kumita lang siya ng pera.
Sa My Special Tatay, siya ang nabuntis ni Boyet (Ken Chan), na may mental disability at anak nila si Baby Angelo. Noong buntis siya, lahat ng gusto ni Aubrey ay ibinigay ni Boyet, kahit mahirapan ang huli to the point na halos namatay na ito sa pagtatrabaho.
Pero dumating sa punto na gusto ni Aubrey na ibenta ang anak para siya magkapera. Mabuti na lang at laging nahuhuli ni Boyet, sa tulong ng best friend niyang si Carol (Arra San Agustin) ang mga kalokohan ni Aubrey.
Ang huling ginawa ni Aubrey, sinabi niya kung sino ang talagang tatay ni Baby Angelo kaya nakuha nila ang bata. Pero lumitaw sa DNA test na si Boyet talaga ang ama ng sanggol.
Kaya naman sa mga comments sa Twitter ay maraming galit na galit kay Aubrey.
Nakatikim na ba si Rita ng bashing sa social media dahil sa masamang ugali ni Aubrey? O may nagagalit ba sa kanya kapag nakikita siya sa labas?
“Wala po naman. Kapag may mga fans na nakakakilala sa akin, sabi nila naiintindihan daw nila ang character ko, at nagpapa-picture pa sila sa akin,” sagot ni Rita.
“Pero may mga nagtatanong din sa akin kung babait daw ako dahil kawawa naman si Boyet, na mahal ako at may Baby Angelo pa kami, pero hindi ko tinatrato nang maganda.”
Siya ba wish din niyang bumait? Meron kasing mga netizens na nagsasabing sana raw ay bumait siya at sila na ni Boyet ang magkatuluyan?
“Wish ko rin po na bumait naman ang character ko,” nakangiting sagot ni Rita. “At totoo pong maraming nagsasabi sa akin na sana raw maging kami ni Ken Chan sa huli.”
Ang My Special Tatay ay napapanood araw-araw, pagkatapos ng Ika-5 Utos.
-Nora V. Calderon