Patung-patong na kaso at pagkasibak sa puwesto ang posibleng matamasa ng isang bagitong pulis, na naaktuhang gumagamit ng umano’y cocaine sa loob ng palikuran ng isang night club sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si PO1 Redentor Bautista y Gatdula, 34, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 1.

Sa ulat ni Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), nabisto si PO1 Bautista na sumisinghot ng umano’y cocaine sa loob ng comfort room ng isang club na matatagpuan sa 9th Avenue, 38th Street, Bonifacio Global City (BGC) sa nasabing lungsod, dakong 11:45 ng gabi.

Nasamsam kay Bautista ang isang ziplock transparent plastic sachet na naglalaman ng umano’y cocaine.

Kitty kay FPRRD ngayong Father’s Day: ‘Until I see you again’

Nakakulong ang pulis sa Taguig City Police at nakatakdang sampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).

Bukod dito, posibleng maharap si Bautista ng criminal at administrative charges.

-BELLA GAMOTEA