ILIGAN CITY - Sinampahan na ng kaso ng pamahalaan ang limang negosyante na umano’y nahuling nagtatago ng tone-toneladang bigas na nagbunsod ng kakapusan ng supply nito sa bansa.

Kinasuhan sina Sonia Chua Payan; Mr. Yang Jianzu; Mr. Lu Zi Yong, alyas “Lito Chua”; Chen Lianjian, alyas “Mr. Johnny Damasin Tan”; at Raul Chen Lozano Foo ng rice hoarding (RA 7581), ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) chief, Atty. Abdul Jamal Dimaporo.

Katuwang, aniya, nila sa pagsasampa ng kaso ang Bureau of Customs (BoC), at Philippine National Police (PNP).

Matatandaang sinalakay ng mga tauhan ng NBI at National Food Authority (NFA) ang tatlong bodega sa Barangay Palao sa Bulacan, na ikinasamsam ng 50,000 sako ng bigas, nitong Oktubre 2.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Sinabi ni Dimaporo na ilegal ang pagpasok sa bansa ng mga nasabing bigas dahil walang maipakitang dokumento ang mga may-ari nito nang isagawa ang raid.

Inamin naman ni NFA acting provincial director Sambitory Dimaporo na nagsagawa na sila ng pagdinig sa usapin nitong Oktubre 10.

Itutuloy ang pagdinig sa Oktubre 29, at umaasa ang NFA na haharap ang mga abogado ng mga hinihinalang rice hoarder.

-BONITA L. ERMAC