Nilinaw ng Department of Justice (DoJ) sa Office of the Solicitor General (OSG) kung alin sa dalawang ahensiya ang hihiling sa korte sa Makati na bawiin ang desisyon nitong nagkakait ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban kay Senator Antonio Trillanes IV.
Isiniwalat ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nakipagpulong si Acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon nitong Martes kay Solicitor General Jose Calida para linawin kung aling ahensiya ang maghahain ng apela.
“PG Fadullon, upon my instruction, discussed the matter with SolGen,” anang DoJ chief.
Sa pagpupulong, sinabi ni Guevarra na nagkasundo sina Fadullon at Calida na ang DoJ ang maghahain ng motion for reconsideration sa Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 148.
Naganap ang pagpupulong matapos sabihin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na binabalak ni Calida na iakyat ang kaso ni Trillanes sa Court of Appeals para baliktarin ang desisyon ng mababang hukuman.
Nitong Lunes, naglabas si Judge Andres Soriano ng Makati RTC Branch 148 ng kautusan na tinatanggihan ang mosyon ng DoJ na mag-isyu ng arrest warrant at HDO laban kay Trillanes.
Naghain ng mosyon ang DoJ matapos mag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation No. 572 na nagdedeklareang “void ab initio” o walang bisa sa simula pa lamang, ang amnestiya ni Trillanes kaugnay sa pakikilahok niya sa 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula siege.
Ang Makati RTC Branch 148 ang humawak sa kasong kudeta laban kay Trillanes kaugnay sa Oakwood mutiny.
Samantala, si Judge Elmo Alameda ng Makati RTC Branch 150, na humahawak sa kasong rebelyon kaugnay sa Manila Peninsula siege, ay pinagbigyan na ang mosyon na hiwalay na inihain ng DoJ. Dahil dito nagbayad si Trillanes ng P200,000 piyansa.
-Jeffrey G. Damicog