Sa loob ng siyam na buwan ng kasalukuyang taon, aabot sa 708 katao ang nasawi sa dengue, iniulat ng Department of Health (DoH).

Sa Dengue Surveillance Report ng DoH, ang naturang bilang ay mas mataas ng 127 kumpara sa 581 kaso noong nakaraang taon.

Ayon sa DoH, ito ay kabilang sa 138,444 na kaso ng dengue na naitala simula Enero 1 hanggang Oktubre 6, 2018.

Mas mataas din ng 21 porsiyento ang naturang bilang ng mga bagong kaso ng sakit , o 23,566 kaso mula sa 114,878 dengue cases na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2017.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Nabatid na ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamaraming dengue cases, na umabot sa 22,077. Sumunod dito ang National Capital Region (NCR), 18,831; Calabarzon, 16,177; Ilocos Region, 11,109; at Western Visayas, 11,036.

Sa NCR naman naitala ang pinakamaraming nasawi sa sakit, na umabot sa 106; Calabarzon, 98; Western Visayas, 69; Central Luzon, 61; at Northern Mindanao, 53.

Pinakamarami namang dinapuan ng sakit sa edad na 10-14, na umabot sa 22% o 29,874 ng kabuuang bilang ng mga kaso.

-Mary Ann Santiago