Ilang araw bago ang paggunita sa Undas 2018, nagpalabas na ang pamunuan ng Manila North Cemetery ng mga gabay para sa mga bibisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa pinakamalaking sementeryo sa bansa.

Sa pahayag ng Manila North Cemetery administration, papayagan lang ang paglilinis at pagpipintura sa mga puntod hanggang sa Oktubre 29, ngunit hindi pahihintulutan ang pagsusunog ng basura sa loob ng sementeryo.

Ang paglilibing at pagpapasok ng sasakyan sa loob ng sementeryo ay hindi rin pahihintulutan simula sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.

Sa Nobyembre 1 naman, ang Gates 2 at 3 ng sementeryo sa A. Bonifacio Avenue ay bubuksan simula 10:00 ng umaga, ngunit maaari lamang itong gamitin ng mga papalabas sa sementeryo.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Binalaan din ang mga bibisita sa mga puntod na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas at matutulis na bagay, tulad ng kutsilyo, screwdriver, at ice pick.

Bawal din sa sementeryo ang flammable materials, katulad ng lighter, thinner, alcohol at gas, dahil maaari itong makapanakit o magdulot ng aksidente.

Hindi rin naman papayagan ang pagdadala ng mga alagang hayop, sound system, nakalalasing na inumin, at mga gamit sa pagsusugal.

Tiniyak din ng management ng Manila North Cemetery na nakikipag-ugnayan sila sa Manila Police District (MPD) at mga volunteer groups para matiyak ang pagbibigay ng seguridad at serbisyong medikal sa mga bibisita sa sementeryo.

-Mary Ann Santiago