Kulungan ang bagsak ng isang lalaking fast food restaurant crew matapos mabisto sa pagdadala umano nito ng ilegal na droga sa trabaho sa Makati City, nitong Sabado ng hapon.

Nakapiit sa detention cell ng Makati City Police si Berjer Despabiladeras y Flores, 21, binata, ng Barangay 4, Pasay City.

Sa ulat ng pulisya, inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-4 ang suspek sa loob ng pinagtatrabahuhan nitong fast food restaurant sa panulukan ng EDSA at Evangelista Street sa Bgy. Bangkal, dakong 2:15 ng hapon.

Una rito napansin ng manager ng naturang fast food chain na mistulang wala sa sarili ang suspek habang nagtatrabaho, kaya kinausap niya ang security guard na tumawag sa presinto para sa police assistance.

Internasyonal

‘Doraemon’ voice actor Nobuyo Oyama, pumanaw na

Iniwan naman ng suspek ang kanyang bag sa ibabaw ng mesa at nang suriin ng guwardiya ay nadiskubre umano roon ang dalawang selyadong pakete ng hinihinalang shabu at tatlong pakete ng pinaniniwalaang marijuana.

Pagdating ng mga pulisya, sinuri ng mga ito ang bag ni Despabiladeras at nadiskubre umano ang marami pang pakete ng nasabing mga droga, kaya inaresto na ang suspek.

Inaalam na ng pulisya ang supplier ng droga ni Despabiladeras.

-Bella Gamotea