Nasa kabuuang 3,238 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang ipakakalat sa mga sementeryo sa Metro Manila upang magbigay-seguridad sa nalalapit na paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar nitong Linggo na maagang ipakakalat sa Oktubre 31 ang mga pulis upang mapaghandaan ang pagdagsa ng mga bibisita sa mga puntod ng kani-kanilang mahal sa buhay, na inaasahang aabot sa milyon.
Sa kabuuan, may 81 sementeryo at 30 columbaria sa buong Metro Manila kaya naman nakipag-ugnayan na ang NCRPO sa mga katuwang nitong ahensiya sa pagbibigay ng seguridad sa publiko.
Katuwang ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP), mga lokal na pamahalaan, at iba pang volunteer groups.
Bukod sa seguridad, sinabi rin ni Eleazar na magbibigay din ng tulong ang pulisya sa mga motorista sa pangangasiwa sa trapiko sa mga rutang papunta sa mga sementeryo, terminal, istasyon ng tren, pantalan, at paliparan.
“Beat patrollers along with K9 handlers and explosive ordnance experts [will also be] posted to secure key security areas and vital installations to prevent terrorist activities,” sabi ni Eleazar.
-Martin A. Sadongdong