NAGLAAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG), sa pamamagitan ng Conditional Matching Grant to the Provinces program, ng P113 milyon para sa pagsasaayos ng pitong kilometrong farm-to-market-road (FMR) sa kalapit na bayan ng Tungawan.

Dadaan ang proyekto sa tatlong malalayong barangay ng bayan--Datu Tumanggong, Loboc at Malongon – na pinanggagalingan ng mga gulay sa probinsiya at mga kalapit na lugar.

“This project aims to boost agricultural production in the municipality of Tungawan,” pahayag ni Governor Wilter Yap Palma. Kapag natapos ang proyekto, inaasahang magpapadali ito sa pagluluwas ng mga produkto ng mga magsasaka.

Pinangunahan ni Palma, kasama ng iba pang opisyal-- Vice Governor Eldwin Alibutdan, Tungawan Mayor Carlan Climaco at DILG Provincial Director Oliver Ombos, ang paglulunsad ng proyekto na hudyat ng pagsisimula ng konstruksiyon, kamakailan.

Ayon kay Climaco, ang tatlong barangay ay tahanan ng nasa 4,725 magsasaka, na karamihan ay kabilang sa mga indigenous peoples (IPs) community na binubuo ng tribo ng Subanen at Kalibugan na nakatuon sa pagsasaka at pagtatanim ng iba pang gulay.

Sinabi naman ni Palma na ang pagtatapos ng proyekto ang magbibigay sagot sa matagal nang pangarap ng mga IPs na magkaroon ng mas madaling paraan ng pagdadala ng kanilang mga produkto sa mga pamilihan.

Ibinahagi din niya na ang farm-to-market-road project ang ikaapat na proyekto na bahagi ng “Build, Build, Build” Program ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ipinatutupad sa probinsiya sa pamamagitan ng Conditional Matching Grant ng DILG.

“The lack of accessibility poses as a major problem especially to our farmers in transporting their products and during emergencies,” pahayag ni Engineer Venancio Ferrer III, provincial planning at development coordinating officer.

Ayon kay Ferrer, mapabibilis ng proyekto ang pagdadala ng mga produkto at magpapamura sa gastos ng pagluluwas.

“Rural transport does not only concern the movement of farm produce but also helps families’ tasks such as procuring food, water, and fuel,” pahayag naman ni Alibutdan.

Ang Tungawan ay isang second-class town na binubuo ng nasa 25 barangay at may populasyon na umaabot sa 42,030, ayon sa census noong 2015.

Ito rin ang pinakamalaking bayan sa probinsiya na may lawak na 47,328 ektarya. Kabilang sa mga produkto ng bayan ang mga gulay, rubber, niyog, mais, bigas, at seaweed.

PNA