Maaaring palawigin ng pamahalaan ang batas militar sa Mindanao kung makatutulong ito na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon, ayon sa Malacañang.
Ipinahayag kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pinahahalagahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang martial law proclamation ni Pangulong Duterte dahil nakatutulong itong ma-discourage ang mga terorista at napanatili rin ang kapayapaan sa lugar.
“According to the military, the martial law has helped in the peace and order situation and it has dissuaded the terrorists from inflicting their usual violence against the population. If it is helping the population, the population is not even opposing it so to my mind, there is a need to extend it,” sabi ni Panelo.
Ayon kay Panelo, pinag-aaralan na ng Pangulo ang rekomendasyon ng militar at pulisya kung babawiin na o palalawigin pa ang martial law sa Mindanao.
Matatandaang isinailalim ng Pangulo sa batas militar ang Mindanao noong Mayo 23, 2017 kasunod ng pagsalakay ng Maute-ISIS sa Marawi City. Kalaunan, pinalawig ito hanggang Disyembre 31, 2018.
-Genalyn D. Kabiling