KLINARO ni Regine Velasquez sa solo presscon niya na walang kinalaman ang asawang si Ogie Alcasid sa pagbabalik niya sa ABS-CBN.

“Actually, hindi naman sa kanya (Ogie) nanggaling ang ideya, nanggaling po sa talaga sa akin. Pero hindi ako sigurado kung interested pa sila (ABS-CBN management) kasi alam kong pasong-paso na sila sa akin. Ha, ha, ha,” tumatawang kuwento ni Songbird.

“Alam ko namang pasong-paso na sila and I cannot blame them and I was the one who ask for the meeting but it was my husband who arranged it. Kasi siyempre siya na ‘yung nandito, nakakatrabaho na niya sina Tita Cory (Vidanes), si Direk (Laurenti Dyogi), si Deo (Endrinal), so siya ‘yung nag-arrange ng meeting.

“As a matter of fact ‘yung first meeting namin nina Direk (Lauren) at Tita Cory, kabadung-kabadong talaga ako. Kasi hinihintay ko na sabihin nila sa akin na, ‘hindi na kami interested sa ‘yo’. Ha, ha, ha! Hinihintay ko talaga, but I’m so happy na sinabi nilang, ‘siyempre naman, interesado kami’.

Relasyon at Hiwalayan

'The easiest yes!' Jose Manalo, Gene Maranan engaged na!

“Natatandaan ko ‘yung sinabi ni Direk Lauren na, ‘puwede na ba akong mag-hope?’ Ha, ha, ha, ha! Kasi parang dalang-dala na talaga sila sa akin. Kaya I am really overwhelmed; I am happy that I am here,” masayang kuwento ni Regine.

Pero bago lumalim ang kuwentuhan ng mga imbitadong entertainment press, bloggers at online writers ay pinasalamatan muna ni Regine ang GMA 7 kung saan namalagi siya sa loob ng 20 years.

“I just wanna say that 20 years po ako sa GMA and I am very thankful to them. I am very grateful to them dahil po sa kanila, napatagal po ‘yung aking career. Nabigyan ako ng pagkakataon na mag-host, gumawa ng soap at marami pang iba. So, sa akin pong puso maraming-maraming salamat po sa GMA.

“Not a lot of people know that I actually started here in ABS-CBN, I did. They gave me a chance, they gave me a television show na talagang practically hindi ako kilala, nag-uumpisa pa lang po ako. I was only 16 or 17 years old and I did two TV shows, Teen Pan Alley kasama ko sina Janno Gibbs and Bing Loyzaga, and then Triple Treat.

“Parang naging mainstay na rin po ako sa Sa Linggo nAPO Sila. Parang halos linggu-linggo nandito ako not to mention sa show ng aking idol na si Sharon Cuneta na nandito po ako lagi, Ryan-Ryan Musikahan, kabisado ko lahat, kasi dito po talaga ako nag-umpisa and I’m happy to be back.

“Now anong nag-change bakit ako bumalik? Because I want to work with ABS-CBN, I wanted to work with other artists, I wanted to do a concert with Sharon and Sarah (Geronimo), Gary (Valenciano), Martin (Nievera) and Piolo (Pascual) and they’re all here. I just wanted to work with other people.

“Especially the last few years, medyo nahihirapan akong makipag-collaborate. ‘Yung mga collaboration na ginagawa ko hindi na napapalabas sa TV, mga concerts ba. So, it’s getting harder and harder na but again, I am thankful to GMA. I have nothing bad to say about GMA, I am so happy to be back here in ABS,” mahabang kuwento ng TV host/actress/singer.

At ginunita pa ni Songbird na ang ABS-CBN show na Maalaala Mo Kaya ang nagbigay sa kanya ng kaisa-isa niyang acting award mula sa Star Awards for TV 2002, na kapareha niya si Piolo.

“So, gusto kong gumawa ng MMK ulit at kasama ko ulit si Piolo?,” parinig ni Regine sa mga bossing ng ABS-CBN na nasa venue rin ng presscon.

Isa pang nilinaw ni Regine ay ang offer ng ABS-CBN na hinainan siya ng kalahating bilyong pisong talent fee kaya hindi na niya nagawang tumanggi pa.

Sa pagkakakilala namin ni Bossing DMB kay Regine na lagi naming nakakahuntahan noon at ang tatay niyang si Mang Gerry (SLN), hindi sila tumitingin sa pera o nasisilaw sa malaking talent fee. Tanda namin ay kung ano ang maise-share ni Regine sa show para maipakita ang talent niya as a singer ay tinatanggap nila ang project.

Sa katunayan ay marami siyang benefit shows na hindi siya nagpabayad lalo na sa mga kaibigan niya sa industriya na nangailangan ng tulong. Kaya isa kami sa naniniwalang hindi ang mataas na bayad sa kanya ang dahilan kung bakit siya bumalik sa Kapamilya network.

“You know, at my age and at the stage of my career, we all know, you know, alam nilang lahat ng mga reporters dito na mga kaibigan ko na, hindi naman ako ilusyonadang tao. Alam ko naman kung ano ‘yung lugar ko sa industry.

“Sobra akong touched na touched sa welcome na ibinigay sa akin ng ABS-CBN kasi hindi ko akalain na ganun ako kaimportante, hindi po ako mailusyunadong tao.

“But the reason why I’m here is because hindi ko alam kung hanggang kailan ko pa kayang kumanta and I want to work with their talented singers. ‘Yun talaga ‘yun, na bago man lang matapos ‘yung career ko, masabi kong nakatrabaho ko din ang number one station.”

Inamin din ng Asia’s Songbird na marami na siyang insecurities ngayong nagkakaedad siya.

“I am risk taker, pero as you get older pala, dumarami ang insecurities ko sa life. Alam mo hindi ako insecure na tao, pero nung tumanda ako and dami kong insecurities. So gusto mo doon ka sa safe, doon ka sa hindi masyadong gagalawin ng tao, doon ka sa alam mo lang (gawin), parang na-realize ko meron pa akong ibibigay kaya ako nandidito ulit, ‘yun lang,” pagtatapat ni Regine.

Nakakabingi ang mga hiyawan at palakpakan mula sa gallery area ng Dolphy Theater kung saan nakapuwesto ang daan-daang supporters ni Regine na may mga hawak pang streamers.

Hayan, sa mismong bibig na ni Regine Velasquez-Alcasid nanggaling na nananatiling number one station ang ABS-CBN.

-Reggee Bonoan