Hindi pa handa si Pangulong Rodrigo Duterte sa pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga komunistang rebelde upang maipagpatuloy ang naunsiyaming usapang pangkapayapaan.

Ito ay sa kabila ng naiulat na pagmamalupit ng mga rebelde sa mga mamamayan.

Aminado ang pangulo na sinubukan ng kanyang administrasyon na makipagbati sa mga komunista ngunit hindi ito nagtagumpay.

“I do not think there will be talks again,” ang bahagi ng talumpati nito nang dumalo ito sa nakaraang Philippine Army event sa Taguig City.

National

Mga nagpakalat ng fake news tungkol sa 'petisyon,' lagot sa Korte Suprema!

“I will make peace with the enemies. We have tried. We failed with the NPAs (New People’s Army). I do not think that I’d ever be ready again to talk to them,” sabi niya.

Binalik-tanaw pa ng punong ehekutibo ang pag-akyat nito sa bundok upang makipag-usap lamang sa mga komunista ngunit dismayado ito sa hindi nila (komunista) pagiging tapat dahil sa mga pag-atake sa mga kawal ng pamahalaan, gayundin sa mga sibilyan.

Gayunman, nag-aalok pa rin ito ng tulong sa mga rebeldeng nagbabalik-loob sa pamahalaan.

“Sabi ko sa NPA, pagkain, medisina, magbigay ako,” anito.

Ngunit isinasantabi nito ang pagbibigay ng mga armas at bala sa mga rebelde dahil tinutugis ang mga ito ng militar.

“Alam mo kung sinong papatay sa akin? Kayong mga Army. Pagbaba ko dito, aambushin ako niyan,” sabi pa ng pangulo.

Kamakailan, iniutos ng pangulo ang pagpulbos sa komunistang rebelde dahil sa pagmamalupit ng mga ito at hindi na na kailangan ng anumang warrant mula sa hukuman upang maisagawa ito.

-Genalyn Kabiling