Nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihing “confidential and private” ang kanyang medical information matapos siyang mag-“negative” sa anumang sakit.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na paninindigan ng Presidente ang confidentiality ng kondisyong medikal nito maliban na lang kung may malubhang sakit ang Pangulo.
Sa ngayon, tiniyak ni Roque sa publiko na walang seryoso o nakamamatay na sakit si Duterte, kaya hindi na kailangan pang isapubliko ang lagay ng kalusugan nito, alinsunod sa batas.
“The President will abide by the Constitution but because it is not serious, he will treat his medical condition as confidential,” sinabi ni Roque sa Palace press briefing kahapon.
“Unless he has a serious illness, he wants to treat his medical condition as being private and covered by confidentiality,” dagdag niya.
Kinumpirma rin ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na “negative” ang resulta ng mga medical tests ng Pangulo, at iginiit na nananatiling malusog si Duterte.
Napaulat na binanggit ng 73- anyos na Pangulo ang mga resulta ng kanyang medical tests sa kalagitnaan ng Cabinet meeting nitong Lunes.
“Nasabi niya negative,” saad sa text message ni Go nang tanungin kung kumpirmado bang cancer-free si Duterte.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi pa ni Go: “Nasa edad na, 73 years old, siyempre kailangan na rin niya mag-maintainence, mga gamot. Pero he’s in tip-top condition, saka dapat walang ikaalala.
“Kaya niyang tapusin ang kanyang termino hanggang sa 2022, at live beyond 2022. Mahaba pa ang buhay ng ating Pangulo, sigurado ako d’yan. Mas malakas pa siya sa kalabaw,” sabi ni Go.
Una nang inamin ng Pangulo na sumailalim siya sa isa pang serye ng medical tests sa isang ospital noong nakaraang linggo. Tiniyak din niyang ipaaalam niya sa publiko sakaling magpositibo siya sa cancer.
Kasunod nito, inamin ni Roque na may nadiskubre ang mga doktor na “growth” sa bituka ng Pangulo.
-GENALYN D. KABILING