August 08, 2026

Home BALITA Eleksyon

GM Torre, nilinaw na wala siyang balak tumakbong mayor ng Davao City!

GM Torre, nilinaw na wala siyang balak tumakbong mayor ng Davao City!
Photo ocurtesy: MMDA

Nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na wala siyang planong tumakbo bilang alkalde ng Davao City o sa anumang lokal o pambansang posisyon sa 2028 elections.

Ginawa ni Torre ang paglilinaw matapos tanungin si Vice President Sara Duterte tungkol sa posibilidad na tumakbo ang MMDA chief bilang mayor ng Davao City.

“Para malinaw, wala akong sinabing tatakbo akong Mayor ng Davao. At wala rin akong inanunsyong pagtakbo sa anumang local o national position,” pahayag ni Torre sa isang Facebook post noong Biyernes, Agosto 7.

Binigyang-diin din niya na hindi umano dapat pangunahan ang mga usapin tungkol sa halalan dahil marami pa silang kailangang gawin sa kasalukuyan.

“Kaya huwag muna nating pangunahan ang kuwento. Marami pa tayong trabaho. Sa ngayon, trabaho muna. Ang serbisyo, hindi naman kailangang hintayin ang eleksyon,” dagdag niya.

Eleksyon

Baste Duterte, Leni Robredo, at Robin Padilla tabla sa unang pwesto sa Senate Preference Survey ng Arkipelago Analytics

Nauna rito, tinanong si Duterte sa isang panayam sa Davao City tungkol sa mga kumakalat na usap-usapan na posibleng tumakbo si Torre bilang alkalde sa lungsod.

Sinabi ng Bise Presidente na bukas ang isang demokratikong bansa sa sinumang nais maghain ng certificate of candidacy at lumahok sa halalan.

Lalong umingay ang usapin matapos kumalat sa social media ang mga larawan ng isang tarpaulin na may mukha ni Torre at mensaheng “Ingat sa daan!”

Kasalukuyang alkalde ng Davao City ang kapatid ni Duterte na si Sebastian “Baste” Duterte. Naging mayor din ng lungsod ang bise presidente at ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago italaga sa MMDA, nagkaroon ng iba't ibang matataas na posisyon sa Philippine National Police (PNP) si Torre.

Bilang dating hepe ng Police Regional Office 11, naging bahagi siya ng operasyon para hanapin at arestuhin si Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City noong 2024 kaugnay ng mga kasong kinakaharap nito.

Kalaunan, naging pinuno rin siya ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kung saan naging bahagi siya ng pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Duterte.

Noong Hunyo 2025, itinalaga si Torre bilang ika-31 hepe ng PNP. Tumagal ang kaniyang panunungkulan nang humigit-kumulang dalawang buwan at tatlong linggo bago siya inalis sa puwesto.

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tinanggal si Torre bilang PNP chief dahil sa kaniyang pagtutol sa mga direktibang nagmumula sa National Police Commission (NAPOLCOM).

Matapos ang kaniyang panunungkulan sa PNP, itinalaga naman si Torre bilang general manager ng MMDA.