Posibleng muling bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo dahil sa patuloy na paghina ng presyo ng langis sa world market.
Batay sa apat na araw na trading sa international oil market mula Agosto 3 hanggang 7, inaasahang magkakaroon ng rollback na nasa ₱4 hanggang ₱ 5 kada litro sa presyo ng diesel, gasolina at kerosene simula Martes, Agosto 11.
Tinatayang nasa ₱4 hanggang ₱5 kada litro ang maaaring ibaba sa presyo ng diesel, habang kaparehong rollback din ang inaasahan sa gasolina at kerosene.
Nakasunod ang inaasahang bawas-presyo sa malaking pagbaba ng refined petroleum prices sa pandaigdigang merkado.
Sa world market, tinatayang bumaba ng nasa ₱5 kada litro ang presyo ng diesel, habang nasa ₱5.10 kada litro naman ang ibinaba ng gasolina.
Samantala, nasa ₱4.95 kada litro ang tinatayang pagbaba sa presyo ng kerosene.
Gayunman, maaari pang magbago ang eksaktong halaga ng rollback depende sa magiging galaw ng presyo ng langis at palitan ng piso kontra dolyar bago ang pinal na anunsyo ng mga kompanya ng langis.