Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
2:00 n.h. -- UST vs. UP
4:00 n.h. -- Ateneo vs FEU
Standings
W L
Adamson 5 1
Ateneo 5 1
FEU 4 2
La Salle 3 3
UP 3 3
UST 2 4
NU 1 5
UE 1 5
MAKAALPAS tungo sa solong liderato ang target ng defending champion Ateneo sa pagbabalik ng aksiyon sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Blue Eagles ang kasalukuyang No.2 na Far Eastern University sa huling laro ng nakatakdang double header ganap na 4:00 ng hapon.
Mauuna rito ay magtutuos ang University of Santo Tomas at ang University of the Philippines ganap na 2:00 ng hapon.
Matapos ang dikitang laban, nakapagtala na rin sa wakas ng back-to-back wins ang Tamaraws noong nakaraang linggo sa pamumuno ng beteranong guard na si Wendell Comboy upang umangat sa markang 4-2.
Bunga nito, inaasahang umaatikabo ang magiging labanan ng dalawang koponan na siyang nagharap sa Final Four noong nakaraang season kung saan namayani ang eventual champion Blue Eagles.
Gayunman, posibleng magkaroon ng problema ang Tamaraws kung mapapatawan ng suspensiyon ang kanilang ace gunner na si Arvin Tolentino na natawagan ng disqualifying foul sa nakaraang 88-85 na overtime win kontra sa dating undefeated Adamson Falcons matapos ang kanyang “hacking foul” kay Sean Manganti.
Galing naman sa 71-55 panalo kontra sa kanilang archrival De La Salle, pupuntiryahin ng Blue Eagles ang ika-6 na dikit na panalo upang makakalas sa kasalukuyang pagkakabuhol nila ng Falcons sa liderato.
Nakabalik naman sa winning track kasunod ng huling panalo kontra University of the East , magtatangka namang makapagtala ng unang back-to-back wins ang Tigers sa pagsagupa nila sa Fighting Maroons na target naman ang kanilang third straight win kasunod ng 89-88 na pag-ungos sa National University Bulldogs noong Linggo para sa ikalawang dikit nilang panalo.
Hawak ang patas na barahang 3-3, magtatangka namang kumalas ang Maroons sa pagkakatabla nila ng Green Archers sa ikatlong posisyon.
-Marivic Awitan