NAGBALIK ang matikas na laro ni Filipino Jelvis Arandela Calvelo sa pag-angkin ng kampeonato sa 1st Annual Brooklyn Classical Chess Championship Under-2200 section na ginanap sa Stewart Hotel sa Manhattan, New York City, United States.
Ang 38 years-old Toronto, Canada based Calvelo na ang trabaho ay Aircraft Winder at technician sa Canada International Aviation Inc. ay nakopo ang championships trophy matapos makaipon ng 5.5 points sa seven rounds.
Sa katunayan si Calvelo ay nakisalo sa three-way tie kina Evan Rabin at Mubassar Uddin, subalit nasikwat ni Calvelo ang titulo matapos manaig sa tie break.
Habang ang isa pang Filipino entry na si Eden Diano mula Mandaue, Cebu ay nanguna sa huge group ng four pointers kasama sina Gracy Franco Prasanna, Brewington Hardaway, Zijun Zhou at Jonathan Lang.
Nitong Hulyo ang Gumaca, Quezon native Calvelo ay tumapos ng 4th hanggang 8th places sa 8th annual Potomac International chess tournament na ginanap sa Hilton Washington DC/Rockville Hotel and Executive Meeting Center sa Rockville, Maryland, United States.
Ating magugunita na si Calvelo na dating chess coach sa DLSU, PCU at Emilio Aguinaldo College, Dasmarinas branch sa Cavite ay pinatunayan na isa siya sa Philippines’ top non-master players matapos maghari sa Melaka Chess Open sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2014.