Inaasahang lalakas pa ang bagyong ‘Queenie’ (international name: ‘Kong-rey’), at bagamat hindi ito magla-landfall, magdudulot pa rin ang bagyo ng mga pag-uulan sa silangang bahagi ng Pilipinas.

Bago magtanghali kahapon, namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mata ng Queenie sa 1,130 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Mula sa lakas ng hanging nasa 160 kilometers per hour (kph) at bugsong 195 kph nitong Lunes, ang Queenie ay may lakas nang aabot sa 200 kph, at bugsong hanggang 245 kph, kahapon ng umaga.

Ayon sa PAGASA, posibleng lumakas pa ang bagyo sa susunod na 24-36 na oras, bagamat hindi aabot sa super typhoon category.

#WalangPasok: Listahan ng class suspensions sa Feb. 6 dahil sa Bagyong 'Basyang'

Tiniyak kahapon ni Benison Estareja, PAGASA weather specialist, na maliit lang ang tsansang direktang tumama sa bansa ang Queenie.

Gayunman, asahan pa rin ang mahina hanggang katamtamang ulan sa silangang bahagi ng bansa, at manaka-nakang malakas na ulan sa malaking bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila hanggang ngayong Miyerkules.

Ngayong Miyerkules ng umaga, tinatayang ang bagyo ay nasa 820 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes, at nasa 600 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Basco sa Huwebes ng umaga, habang sa Biyernes ito inaasahang lalabas ng bansa.

-Ellalyn De Vera-Ruiz