PINATAOB ng season host University of Perpetual Help ang Lyceum of the Philippines University, 3-1, sa finals upang makopo ang kanilang unang juniors’ championship sa pagtatapos ng 94th NCAA chess competition sa Malayan High School of Science Lobby sa Otis, Manila.
Tinalo nina Carl Zirex Sato at Chris Pondoyo sina Jan Darryl Batula at Leonel Escote sa boards 2 at 3 habang nakapuwersa naman ng draw sina Eric Labog, Jr. at John Anastacio kina Earl Rhay Mantilla at Japeth Aaron Caresosa sa boards 1 at 4, ayon sa pagkakasunod para makamit ang una nilang titulo.
Tiniyak ng Junior Altas sa ilalim ng paggabay ni FIDE Master Roel Abelgas na hindi na makakahulagpos pa sa mga kamay nila ang titulo.
Mismong sina NCAA at school president Anthony Tamayo at NCAA Management Committee chair Frank Gusi ang nakasaksi sa finals match. “We dedicate this victory to our school officials, sirs Antonio and Anthony Tamayo, the school, community and all the people who kept the faith,” ani Abelgas.
Dagdag pa sa naging panalo ng Junior Altas ang pagwawagi ni Chris Pondoyo board 3 gold medal at MVP honors gayundin ang panalo ni Anastacio ng gold sa board 4 at ni Abelgas bilang Coach of the Year.
-Marivic Awitan