Hindi na maghihintay ng halos isang buwan ang mga aplikante ng passport matapos na gawing six working days ang pagri-release ng bagong passport simula sa Oktubre 1, tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon.

“We made a promise to the President and to our kababayan that we will work hard to give them fast, efficient, and secure passport services,” sabi ni DFA Secretary Alan Peter S. Cayetano, na nasa New York para dumalo sa 73rd session ng United Nations General Assembly.

“Shortening the length of time our kababayan would have to wait before they could receive their passports is part of that promise,” aniya.

Simula sa Lunes, matatanggap ng mga aplikante sa DFA Consular Offices sa Metro Manila, na magbabayad ng regular processing fee na P950, ang kani-kanilang pasaporte makalipas ang 12 araw sa halip na 15 araw.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Magkakaroon naman ng pasaporte ang mga aplikanteng magbabayad ng express processing fee na P1,200, pagkalipas ng six working days sa halip na pitong araw.

Dagdag pa ni Cayetano, maaaring matanggap ng mga aplikante sa DFA Consular Offices sa labas ng Metro Manila ang kanilang pasaporte makalipas ang 12 working days sa halip na 20 araw para sa regular processing, at seven working days sa halip na 10 araw para sa minadaling proseso.Ayon pa kay Cayetano, inaayos na ng DFA ang pagpapaikli ng waiting time para sa passport processing na inihain sa mga Embahada at Konsulado ng Pilipinas sa buong mundo na kasalukuyang nagtatagal ng dalawang buwan.

Bukod sa pagbabawas sa oras ng proseso para sa passport application, sinabi pa ni Cayetano na pinaikli na rin ng DFA ang waiting time ng mga aplikante sa pagkuha ng kanilang online appointment slots na nasa dalawang linggo hanggang isang buwan kumpara sa dalawa hanggang tatlong buwan noong 2017.

“From the 9,500 passports that were being processed daily in May last year, we have increased our capacity to almost 20,000 passports a day. We endeavor to increase this number to 30,000 by the end of the year,” pahayag ng DFA chief.

“Providing better passport services is at the heart of our work at the DFA,” aniya pa.

-Bella Gamotea