ILALARGA ng Metro Manila Sports Fest, sa pakikipagtulungan ng Philippine Basketball Association, ang city-wide basketball tournament M-League simula sa Setyembre 30 sa Caloocan Sports Complex.
Kilala dati bilang Metro Basketball Tournament (MBT), tampok ang mga dating PBA at D-League players sa 10 koponan mula sa mga lungsod ng Metro Manila.
Hahatiin sa dalawang grupo ang 10 koponan na kinabibilangan ng North Division (Quezon City, Marikina, Manila, Caloocan at Valenzuela) habang ang South Division (San Juan, Taguig, Pateros, Paranaque at Las Pinas).
“Ang priority namin dito, mabigyan ng break ang homegrown talents tsaka yung mga hindi nabigyan ng exposure sa college at the same time mga pros na gusto pa maglaro,” pahayag ni M-League Commissioner Glen Gapacio.
Maghaharap ang Paranaque Green Berets at Isang Pateros sa unang laro bago ang opening ceremonies, habang magtutuos ang hometown team Caloocan Supremos at Valenzuela Workhorses sa ikalawang laro.
Tampok na laro ang duwelo ng Manila All-Stars at Marikina Shoemakers.
Itinakda ang mga laro tuwing Martes, Huwebes at Sabado.
Mapapanood ang mga laro sa Metro Manila Sports Fest FaceBook page