Nagpaabot kahapon ng pakikiramay ang gobyerno ng Pilipinas sa pamahalaan at mamamayan ng Tanzania sa paglubog ng isang bangka na ikinasawi ng marami.

Sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA), idinadalangin din ng Pilipinas na mas maraming survivors ang matatagpuan mula sa bangkang lumubog nitong Huwebes sa Lake Victoria, ang pinakamalaking lawa sa Africa na dumadaloy sa Tanzania, Kenya, at Uganda. Naglalayag ang MV Nyerere mula Bugolora patungong Ukara Island nang ito ay tumaob dahil sa overloading. Nasa 100 pasahero lamang ang kapasidad ng bangka, ngunit iniulat na 400 ang sakay nito nang mangyari ang trahedya.

Sa huling tala, umabot na sa 209 katao ang kumpirmadong nasawi sa insidente, habang 41 ang nasagip.

Kinumpirma ni Ambassador to Kenya Norman Garibay na walang Pilipino na kabilang sa mga nasawi.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

Sa kanyang ulat kay DFA Secretary Alan Peter S. Cayetano, sinabi ni Garibay na patuloy na mino-monitor ng Embahada ng Pilipinas sa Nairobi ang search at rescue efforts ng Tanzania authorities.

Tinatayang 289 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan sa Tanzania.

-Bella Gamotea at Roy Mabasa