Umabot na sa 63 ang nasawi sa bagyong ‘Ompong’ sa Luzon, kinumpirma ng Malacañang kahapon.
Tumaas ang bilang ng mga namatay matapos na marekober ang tatlo pang bangkay mula sa gumuhong lupa na tumabon sa isang minahan sa Itogon, Benguet, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“Ikinalulungkot ko pong sabihin na tumaas pa ang bilang ng mga nasawi. As of 12:00 midnight, 63 na po ang patay – nadagdagan po ito ng tatlo dahil may na-recover na namang tatlong bangkay sa Itogon,” pahayag ni Roque sa Palace press briefing.
Sinabi ni Roque na 49 na katao ang iniulat na nawawala habang 42 iba pa ang sugatan dahil sa bagyo.
Ipinahayag ni Roque ang impormasyon bago bumisita si Pangulong Duterte sa Isabela, kahapon ng hapon. Sinabi niya na kahit walang napahamak sa Isabela, napinsala ang agrikultura at imprastruktura ng probinsiya.
Sinabi rin ni Roque na batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa 218,492 pamilya o 893,844 na katao ang naapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito, aabot naman sa P14 bilyon ang napinsalang produktong agrikultural, partikular sa Northern Luzon, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Umaasa naman si DA Secretary Manny Piñol na magkakaroon ng sapat na supply ng produktong agrikultural sa Metro Manila dahil magpapadala ng tone-toneladang gulay mula sa Cagayan De Oro City, Region 2, 3, at Cordillera.
-Genalyn D. Kabiling at Jun Fabon