ILANG showbiz personalities na nawala sa limelight at muling nabigyan ng pagkakataon ni Coco Martin para makabalik sa trabaho at makapagbagong-buhay ang nagkuwento tungkol sa kabaitan ng bida ng FPJ’s: Ang Probinsyano.

Coco

Sa programang Rated K, nagpahayag ng pasasalamat sina Mark Anthony Fernandez, Whitney Tyson, CJ Ramos, at Rhed Bustamante tungkol sa second chance na ibinigay sa kanila ni Coco. Ilan lang sila sa dose-dosenang artista na natulungan ng aktor nang bigyan niya ng pagkakataong mapasali sa cast ng top-rating teleserye ng Dos.

Todo ang pasasalamat ni Mark kay Coco kahit kontrabida ang natokang role for him.

'Sexy pero classy!' Janine Gutierrez, calendar girl na rin

“Kontrabida role ko dun. Alam mo ‘yun, malaking (role), markado siya. Atsaka (Ang) Probinsyano, eh,” sabi ni Mark, na matatandaang nakulong nang ilang buwan matapos na mahulihan ng marijuana sa sasakyan noong nakaraang taon.

“Kung anong food niya, food din namin,” kuwento naman ni Whitney.

Ang pinakabagong pasok sa serye ay ang dating child star na si Rhed. Ikinuwento niya kung paanong muling gumanda ang buhay ng kanyang pamilya matapos siyang kunin ni Coco para sa teleserye.

“Sobrang saya. Tapos lahat po parang maganda na ngayon. Umookay na po siya,” sabi ni Rhed.

Nauna rito, itinampok sa Rated K ang kasalukuyangh buhay ng pamilya ni Rhed, na hindi inakalang matatapos na lang bigla ang career ng Best Child Actress awardee. Sa footage, ipinakitang balik-kalye silang mag-iina sa pagtitinda, dahil nawalan na ng offer si Rhed sa telebisyon man o pelikula.

Si CJ naman, na nakulong din dahil sa droga, ay very thankful sa ibinigay ni Coco na pangalawang pagkakataon para makapagbago siya.

“Pakiramdam ko napakasuwerte kong tao. Parang naligtas ako sa dati kong gawain,” sey ng dating Kapamilya child actor.

Ang maganda kay Coco, hindi siya nag-e-expect ng kapalit sa anumang tulong na kanyang ipinagkakaloob sa mga kasamahan niya sa industriya.

Lahat daw ng pagtulong na ito ay pagbabalik lang ng aktor sa mga tinatamasa niyang biyaya sa buhay.

“Nagbabalik-tanaw ako. Wala namang taong nagbibigay sa akin ng pera. Ang ibinigay sa akin opportunity. Bakit hindi mo bigyan ng pangalawang opportunity para, alam mo ‘yun, makatulong siya sa pamilya niya at magkaroon siya ng sarili niyang direksiyon sa buhay?” paliwanag naman ni Coco.

-ADOR V. SALUTA