Isang 68-anyos na lalaki ang arestado matapos na magpaputok ng baril dahil lamang sa away sa parking space sa Barangay Marikina Heights, Marikina City, nitong Linggo ng gabi.

Nakapiit sa himpilan ng Marikina City Police at nahaharap sa mga kasong malicious mischief, alarm and scandal, at illegal possession of firearms si Santos Vitalicio, 68, ng Bgy. Marikina Heights.

Inaresto si Vitalicio ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT), Explosive and Ordnance Division (EOD) at Police Community Precinct (PCP)-9, batay sa reklamo ni Lenon Jake Barbadillo, 24, residente rin sa naturang lugar. Sa ulat ng pulisya, dakong 9:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa parking space sa Luz Cruz Compound na nasa Apitong Street sa naturang barangay.

Base sa salaysay ni Barbadillo, nagkaroon sila ng mainitang argumento ng suspek dahil lang sa parking space, pero sa gitna ng kanilang pagtatalo ay bigla umanong sinipa ng suspek ang kanyang sasakyan at nasira ang pinto nito.

National

Mga senador, dapat pumabor sa impeachment vs VP Sara kung gusto nilang maglinis sa gov’t – Maza

Hindi pa, aniya, nakuntento ang suspek at umuwi ito ng bahay, kumuha ng baril at nagpaputok, na ikinaalarma niya at ng iba pang residente sa lugar, kaya ini-report sa pulisya si Vitalicio.

Kaagad namang rumesponde ang mga alagad ng batas at inaresto ang suspek, na nakumpiskahan ng isang Smith and Wesson revolver at basyong bala.

-Mary Ann Santiago