Habang isinusulat ang balitang ito ay bigo pa rin ang mga rescuer na mahanap ang tatlong batang lalaki na nalunod sa Tullahan River sa Mac Arthur Highway, Barangay Marulas, Valenzuela City, nitong Linggo ng hapon.

Umabot na 24 na oras ang paghahanap ng Philippine Coast Guard at Valenzuela City Rescue Team, ngunit hindi pa rin nila nakikita si Ian Salud, 10, at ang magkapatid na sina Ferdie, 11, at Reniel Sebado Tejodilla, 13, pawang taga-Bgy. Marulas.

Maging ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Bureau of Fire Protection (BFP) ng Valenzuela Fire Station ay tumulong na rin sa paghahanap sa tatlong bata.

Nagkatuwaan umano nitong Linggo, dakong 4:48 ng hapon, ng magkakaibigan na maligo at manghuli ng isda sa nasabing ilog. Ngunit paglusong nila sa tubig ay hindi na sila umahon.

National

3 weather systems, patuloy na umiiral sa bansa – PAGASA

Nang mga oras na iyon ay mataas at maalon na ang tubig dahil sa walang humpay na pag-ulan na bunsod ng bagyong ‘Ompong’.

Kaugnay nito, personal na nagtungo sa ilog si Mayor Rex Gatchalian, at tiniyak sa mga magulang ng tatlong bata ang suporta nito.

Umaasa naman ang kaanak ng tatlong biktima na ligtas at mahahanap nang buhay sina Ian, Ferdie, at Reniel.

-Orly L. Barcala