Lumobo sa 5.4 milyon indibiduwal ang tinatayang maaapektuhan ng bagyong ‘Ompong’, habang nasa 2,298 pamilya o 9,107 katao na ang nailikas sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera, upang matiyak ang kaligtasan sa matinding kalamidad, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

SANIB-PUWERSA VS ‘OMPONG’ Pinakikinggang mabuti ng mga pulis ang mga paalala at kinakailangang paghahanda laban sa bagyong ‘Ompong’, sa Manila Police headquarters, kahapon.  (CZAR DANCEL)

SANIB-PUWERSA VS ‘OMPONG’ Pinakikinggang mabuti ng mga pulis ang mga paalala at kinakailangang paghahanda laban sa bagyong ‘Ompong’, sa Manila Police headquarters, kahapon.
(CZAR DANCEL)

Sinabi ni NDRRMC spokesman Edgar Posadas na ang bagong taya ay ginawa dakong 6:00 ng umaga kahapon, wala pang 24 na oras makaraang ihayag ang inaasahang pagla-landfall ng Ompong dakong 2:00 ng umaga hanggang 5:00 ng umaga ngayong Sabado.

Itinaas ng NDRRMC ang bilang ng maaapektuhan ng bagyo mula sa 4.3 milyong katao nitong Huwebes ng hapon, nang magbago ng direksiyon ang Ompong.

National

‘We are not at war!’ PH, ‘di magpapadala ng Navy warships sa WPS matapos China aggression – PBBM

Sa paunang taya, sinasabing magla-landfall ang bagyo sa dulong hilaga ng Cagayan, subalit sinabi kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bumaba ang direksiyon ng Ompong, at inaaasahan nang tatama sa pagitan ng Isabela at Cagayan.

SIGNAL NUMBER 3

Habang isinusulat ang balitang ito ay nakataas na ang Signal No. 3 sa dalawang lalawigan, at sa iba pang probinsiya sa Northern Luzon, kabilang ang Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, at Northern Aurora.

Nasa Signal No. 2 naman ang Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Southern Aurora, at Northern Zambales.

Itinaas naman ang Signal No. 1 sa Metro Manila, Pampanga, Bataan, Southern Zambales, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon, Northern Occidental Mindoro, Northern Oriental Mindoro, Masbate, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Burias at Ticao Island, at Northern Samar.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mga nakatira sa coastal areas sa Cagayan at Isabela dahil maaaring umabot sa hanggang anim na metro ang storm surge sa nasabing mga lalawigan.

Batay sa weather bulletin ng PAGASA bago magtanghali kahapon, namataan ang mata ng Ompong sa 540 kilometro sa silangan ng Baler, Aurora at kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour (kph).

Napanatili ng Ompong ang lakas nito at ang lakas ng hangin ay aabot sa 205 kph, habang ang bugso ay nasa 255 kph.

Sa 5.4 na milyong maaapektuhan ng bagyo, sinabi ni Posadas na nasa 983,100 ang mahihirap.

“Sila ‘yung mga naghihikahos and therefore, what is the point to this? Sila po ‘yung once na medyo ma-hit ng bagyo, mas maaapektuhan sila dahil wala silang masyadong coping mechanisms,” ani Posadas.

MGA DAM NAGPAKAWALA NG TUBIG

Kasabay nito, pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa bisinidad ng mga pangunahing dam sa Luzon, makaraang mag-release ng tubig ang Ambuklao, Binga at Magat Dams, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Richard Orendain, weather specialist ng PAGASA, na binabantayan na rin ng ahensiya ang San Roque Dam, na wala pa naman sa spilling water level habang isinusulat ang balitang ito.

Sinuspinde na rin kahapon ang mga klase sa eskuwela, pasok sa trabaho at kinansela ang mga international at domestic flights, at mga paglalayag sa mga apektadong lugar, habang patuloy na nakaalerto ang NDRRMC, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DoH), Philippine Coast Guard (PCG), ang pulisya at militar kaugnay ng mga gagawing paglilikas. Sa Metro Manila, itinaas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang blue alert sa buong National Capital Region laban sa inaasahang pananalasa ng Ompong

-MARTIN A. SADONGDONG at ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN, ulat nina Jun Fabon, Bella Gamotea, at Beth Camia