Hindi kailangang maging “corny” ng militar at maglunsad ng kudeta laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi ito kuntento sa kanyang performance, sinabi ng Malacañang kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque nagdeklara ang Pangulo na hindi siya kakapit sa kapangyarihan at sa halip ay bababa kapag hindi na siya suportado ng mamamayan.
“Ang Presidente naman po ay hindi niya pinaggigiitan ang sarili niya sa Hukbong Sandatahan, kung ayaw talaga ng Hukbong Sandatahan. Ang sabi nga niya, huwag na tayong magpa-corny, huwag na kayong magku-coup. Sabihin ninyo lang sa akin, bababa ako,” ani Roque sa isang panayam sa radyo.
Naunang sinabi ng Pangulo na hindi niya kailangan ng loyalty ng mga sundalo at pulis, at sa halip ay dapat na manatiling tapat ang mga ito sa bandila at sa Constitution. Iginiit ni Duterte na wala siya siyang problema sa pagbaba sa puwesto kung hindi na siya sinusuportahan ng mga Pilipino.
Ito ang ipinahayag ni Duterte nang tanungin kung magsasagawa siya ng loyalty check sa mga sundalo at pulis sa gitna ng mga bali-balita na ilang miyembro ang nababahala sa pagbawi sa amnestiya na ibinigay kay Senador Antonio Trillanes IV.
Sinabi ni Trillanes na ilang uniformed personnel ang nagpahayag ng suporta sa kanya at “extremely bothered” at “conflicted” sila sa ginawa ni Duterte.
Ayon kay Roque, maaaring mayroong “master’s in destabilization” si Trillanes ngunit malabong makuha niya ang suporta ng militar at pulisya sa kanyang kampanya.
-Genalyn D. Kabiling