Mabibigo ang anumang planong pag-agaw sa kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kawalan ng popular support, idineklara ng Malacañang kahapon.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Presidential Spokesman Harry Roque na poprotektahan ng publiko ang demokrasya ng bansa mula sa mga grupong nagnanais na patalsikin ang pinuno na inihalal ng bayan.

“Hindimakakaila na talagang iyong mga kalaban ng Presidente ay mga hindi makaantay ng susunod na eleksyon, para makabalik sa kapangyarihan. Ang tawag ko po sa kanila ay talagang atat na atat na makabalik sa Malacañang na isang katotohanan naman,” banat ni Roque sa isang panayam sa radyo.

“Pero ang tingin ko nga po, ang taumbayan ay nagmamatyag at dedepensahan ang Presidente, dedepensahan nila ang demokrasya dahil alam nila na ang mandatong ibinigay kay Presidente ay hanggang 2022,” idinugtong niya.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Kamakailan ay ibinunyag ng Pangulo na si Senador Antonio Trillanes IV ay nakikipagsabwatan sa Liberal Party at sa mga komunistang rebelde para patalsikin siya sa puwesto pagsapit ng Oktubre. Sinabi ni Duterte na natanggap niya ang intelligence report tungkol sa diumano’y plano mula sa “sources from a foreign power.”

Ito ang ipinahayag ni Duterte matapos bawiin ang amnestiyang ibinigay kay Trillanes sa pagkakasangkot sa dalawang nagdaang kudeta dahil sa kabiguang sumunod sa requirements nito.

Itinanggi ni Trillanes at ng LP stalwarts ang mga alegasyon ng Pangulo na anila’y napapraning na.

NO NEED

Sinabi ng oposisyon na hindi na kailangang patalsikin si Duterte dahil mismong ang pagkatao nito at ang kanyang mga polisiya ang magtatanggal sa kanya sa puwesto.

“Mr. Duterte, it’s your filthy and vicious mouth that destroys you. No need to overthrow you. You will fall, and fall hard. That’s for sure,” diin ni Sen. Leila de Lima.

Iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na tigilan na ni Duterte ang mga ilusyon nito na may mga tangkang magpapatalsik sa kanya at sa halip ay ayusin na lamang niya ang problema ng bansa. “It is time to tell the President: quit terrorizing, start governing!” aniya.

‘DI SASALI

At kahit may ilang lider ng simbahan na bumabatikos sa administrasyon, sinabi ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi sila sasali sa anumang planong destabilisasyon.

“Definitely if there is such a plan, the Church is not part of that. I can say that,” paniniyak ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP Public Affairs Committee, sa Tapatan Forum sa Manila, kahapon

-GENALYN D. KABILING, LEONEL M. ABASOLA at LESLIE ANN G. AQUINO