Ni REGGEE BONOAN

“MAS gusto ko talaga ang showbiz kaysa pulitika,” sabi ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos. 

“Siguro filmmaker [ako] kung wala ako sa pulitika. Napunta lang ako rito dahil sa apelyido ko. Kaya nga medyo bipolar ako sa pulitika, minsan gusto ko, minsan hate ko. I’m not sure,” sabi pa ng gobernadora nang makatsikahan ang entertainment press nitong Biyernes ng tanghali sa Max’s Restaurant.

Natanong ang gobernadora kung ano ang magiging partisipasyon niya sa showbiz industry.

Derek Ramsay, mamamaalam na nga ba sa showbiz?

“Kung sakaling mabigyan ako ng pagkakataong bumalik sa national stage, ‘ika nga, kailangang ibalik ang tulong sa Pelikulang Pilipino. 

“Alam naman ninyo ang pamilya ko, long standing fans, avid fans ng Filipino movies. Para sa tatay ko, the power of film was inevitable and overwhelming, lalo’t naisapelikula ang buhay niya. ‘Yung nanay ko naman alam n’yo naman ‘yun, the truth and the beautiful, sinasabi ng mga Pilipino ay artist. 

“Heto nga, nirerebyu ko ang mga batas, ako pa pala ang sumulat ng iba at kami rin ‘yung nag-draft. (MTRCB, FDCP, OMB). Nakakatuwa dahil katatapos lang ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), na pinamunuan ni Liza (Diño), and wondering also kung ano ang mga nangyari medyo may what went wrong doon, ‘di ba? Sabi ng iba patay na ang pelikulang Pilipino dahil hindi mabuhay-buhay at ito ‘yung sa FDCP na well promoted.  

“Pero pagkatapos naman nun (PPP) nakita naman natin na buhay na buhay, dahil kumita ang [pelikula ni] Sarah Geronimo [na] Miss Granny ng Viva Films productions, and higit sa lahat ‘yung kay KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, The Hows of Us) na talaga namang patok na patok on all records. So, it’s too early to declare Filipino film dead. I think there’s a lot of work to be done but it’s alive and well. Not so kicking perhaps but needs some help.” 

Nabanggit na isa sa matinding rason kung bakit mahina ang pelikula ay sa distribution sa mga sinehan kung saan ipalalabas ang local movies at para kumita ay dapat mapanood sa magagandang sinehan. 

Kaya plano ng gobernadora ng Ilocos Norte ay magkaroon ng summit ang stakeholders, film producers, distributors at theater owner’s para masolusyunan kung paano dumami ang manonood ng local films o mas tangkilikin ito.

Malapit talaga ang puso ng panganay na anak nina dating Presidente Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Romualdez Marcos sa showbiz. Sa katunayan, siya pala ang nagsimula ng Metro Manila Popular Music Festival noong 1977, na pinagwagian ni Hajji Alejandro. 

Naikuwento rin ni Gov. Imee na nahulaan ng nanay niya na makikilala sa buong mundo ang awiting Anak ni Freddie Aguilar.

 “Naku ‘yung kantang ‘yun (Anak), iyon dapat ang nanalo sa Metropop kasi number 5 lang siya (Freddie), hindi siya nanalo. Sabi ng nanay ko, ‘yan ang may promise, kasi ‘yan ang maganda. Tapos pinakinggan namin, tama nga. 

“Then after that, prinomote namin nang prinomote with a good friend in Europe, Carlo Nazi, who was involved with the European recording industry and then we looked up with the Japanese producer was also good friend of ours, so friend-friend lang ‘yun at talagang maganda ‘yung kanta at nag-effort kaming lahat na kung sinu-sino ang tinawagan namin, pakapalan na lang ng mukha ay tawagan na lang ng utang na loob, alam mo ‘yung ganu’n?  Barkadahan na lang.”

At ganito rin ang pouwedeng mangyari sa mga pelikula natin na makilala nang husto sa ibang bansa na nangyayari rin naman sa iba.

“So for me, feeling ko, we can do that now, the more it’s easier to connect now. My goodness, there’s Facebook, there’s everything.  It’s so easy to call on all sorts of people and ask for the help and I think it’s very evident that Hollywood, Tokyo, South America, China, every one is very open to new films, to all kinds of diversity, to ethnic and other products.

“Parang naghahanap na ‘yung tao ng naiiba, parang sa Pilipinas, ‘yung indie films siya ‘yung mamayagpag sa takilya, hindi mo akalain. E, ganun na talaga sa world market; ang tao sawa na rin sa mga formula. Kahit rom -com pa o war movie pa ‘yan, gusto nila ng twist na galing sa ‘Pinas, galing sa Brazil.  

“So, I’m sure makakabenta tayo. Naku naman, kung ‘yung Koreano nga nakakabenta, hindi nagi-English, tayo pa?” punto ni Gov. Imee.

Napunta rin ang usapan sa pagbibigay ng National Artist Award kina Mang Dolphy at Nora Aunor, na ayon sa gobernadora ay long overdue na.

“Buwisit,” napangiting sabi niya tungkol sa hindi pa pagbibigay ng nasabing award sa iniidolo niyang Superstar. “Nabubuwisit ako at nabubuwisit lalo ako na hindi pa rin (nagiging National Artist) si Dolphy. Parang long overdue. Nakakapikon na. 

“I mean to say, anong dahilan? What’s the problem? Hindi ko ma-gets. I think it’s really overdue.” 

Kaya dapat itodo ang kampanya para tanghalin nang National Artist sina Nora at Mang Dolphy. 

Natanong kung may planong mag-produce ng pelikula si Governor Imee ay nabanggit niyang may ini-launch na siyang local film festival sa Ilocos Norte.